NILINAW ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi aarestuhin ang mga hindi bakunado na makikitang nasa labas ng lansangan.
Ayon kay Año pauuwiin lamang ang mga ito sakaling sila ay lumabas ng bahay, at hindi gaya nang inaakala na dadamputin ang mga ito at ikukulong.
“Ang ating mga barangay captains at mga kapulisan ay magsasagawa ng mga checkpoints. Kung ikaw ay hindi bakunado, pauuwiin ka, ‘yun lang naman. Pero kung ikaw ay magre-resist ay talagang sapilitan kang iuuwi,” ayon kay Año.
Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes sa mga opisyal ng barangay na pagbawalan lumabas ang mga taong hindi pa nabakunahan laban sa COVID-19 at arestuhin sila kung tumangging makipagtulungan.
“Ang ibig sabihin naman nito ay ili-limit natin ang kilos ng mga hindi bakunado na dapat ay sa bahay lang muna sila habang meron tayong surge, habang nagaganap itong biglang maramihang transmission,” ani Año.
Sinabi rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang mga hindi pa nabakunahan na umalis sa kanilang mga tahanan nang walang valid reason ay aarestuhin lamang kung sila ay lalaban o makikipag-away sa mga person in authority.