MULING isinara sa turista ang Lian, Batangas matapos dumugin ng tao ang Matabungkay Beach nitong Linggo.
Ani Lian Mayor Joseph Peji, hihintayin muna ng lokal na pamahalaan na ideklara ang modified general community quarantine (MGCQ) bago muling tumanggap ng bisita ang bayan.
Idinagdag ni Peji na kahit mga residente ng mga kalapit na bayan ay hindi rin papayagang pumunta sa Matabungkay.
Ginawa ng alkalde ang pahayag makaraang makita ang video ng pagdagsa at pagkumpol-kumpol ng mga tao sa pamosong resort, na dalawang linggo pa lamang binubuksan sa mga turista.
Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan kung sino ang dapat managot sa pagbabalewala sa Covid-19 health protocols, ani Peji.
Kaugnay nito, sinampahan na ng reklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay na pinayagan ang mga mass gathering sa kanilang nasasakupan na nagresulta sa hawahan ng Covid-19.
Ayon sa DILG, walong barangay chair ang sinampahan ng mga kasong gross neglect of duty, negligence, serious misconduct, at paglabag sa RA 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Kinilala ni Interior Sec. Eduardo Año ang mga inireklamo na sina Romeo Rivera ng Brgy.171, Caloocan City; Ernan Perez ng Brgy. San Jose, Navotas City; Facipico Jeronimo ng Brgy. 181 sa Gagalangin, Tondo, Maynila; Jaime Laurente ng Brgy. 182 sa Gagalangin, Tondo; Marcial Palad ng Brgy. Matiktik, Norzagaray, Bulacan; Jason Talipan ng Brgy. Balabag, Boracay Island; Jimmy Solano ng Brgy. Sambiray sa Malay, Aklan, at Jessica Cadungong ng Brgy. Kamputhaw, Cebu City.