Tito Sotto: Paggamit ng face shield itigil na

HINAMON ni Senate President Vicente “Tito’s Sotto III ang Inter Agency Task Force ( IATF) na pag-aralan ang posibilidad na itigil na ang paggamit ng face shield.


Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa Covid-19 response ng pamahalaan, sinabi ni Sotto na ayon sa mga doktor na kanyang nakausap ay hindi epektibo ang face shield laban sa virus.


Binanggit pa ni Sotto na bukod tanging sa Pilipinas lamang inoobliga ang pagsusuot ng face shield.


Ikinatwiran naman ni Health Secretary Francisco Duque na kahit sa ibang bansa ay ipinaiiral din ang pagsusuot ng face shield.


Paliwanag pa niya na maliban sa ipinatutupad na health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing, malaking tulong ang pagsusuot ng face shield bilang panangga sa virus. –A. Mae Rodriguez