TARGET ng pamahalaan na hindi na maging mandatory ang pagsusuot ng mask sa huling bahagi ng 2022.
Kabilang ito sa inihahandang mga polisiya sa pagpapatupad ng ‘new normal’ sa bansa sa harap ng pagbaba ng mga kaso ng coronavirus (Covid-19).
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na dapat ikonsidera pa rin ang ilang mga bagay sa magiging desisyon kaugnay ng mask.
“May mga features pa tayo na dapat bantayan, iyong paglabas ng mga bagong variant; pag-wane ng mga anti-bodies ng isang taong matagal nang nabakunahan,” sabi ni Herbosa.
Idinagdag ni Herbosa na dapat din ay naabot na ang 90 milyong nabakunahan kontra Covid-19.
“Kailangan mag-ingat din talaga tayo para magsuot pa rin tayo ng mga mask sa enclosed spaces or iyong mga high risk na lugar. Palagay ko sa open air, puwede na tayong hindi mag-mask, kung sakaling malaki sa population ay fully-vaccinated,” dagdag ni Herbosa.