PINAWI ng Palasyo ang pangamba ng 525,000 Pinoy na nakatanggap ng unang dose ng AstraZeneca hinggil sa pagkabalam sa pagdating ng karagdagang suplay ng vaccine.
Sinabi ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na maraming opsyon na nakahanda ang gobyerno para matiyak na mababakunahan ng ikalawang dose ang mga naghihintay ng AstraZeneca sa darating na Mayo.
“Mayroon po tayong tinatawag na layers of contingencies, pero nakausap po namin ang GAVI, may assurance naman po sila na baka darating this coming May,” sabi ni Galvez.
Idinagdag ni Galvez na kabilang sa mga opsyon ay ang suplay ng AstraZeneca mula sa Israel at Amerika.
“Mayroon na tayong letter of intent sa Israel, kasi mayroon silang extra doon. Second iyong letter of intent also sa US na 3 million dahil mayroon din silang extra doon. And most likely baka favorable,” ayon pa kay Galvez.
Ayon kay Galvez, sumulat na rin ang Pilipinas sa United Kingdom para sa karagdagang tatlong milyong AstraZeneca vaccine, bagamat naghihintay pa ng sagot ang pamahalaan.
“We will produce that, so rest assured na iyong mga nagkaroon ng first dose ay magkakaroon kayo ng second dose,” ayon pa kay Galvez.