INIHAYAG ngayong araw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi na niya kailangang ipakita sa publiko na nagpabakuna siya kontra Covid-19.
Sa kanyang programa sa radyo, sinabi ni Duterte-Carpio na sapat nang malaman ng publiko na itinutulak niya ang pagbabakuna kaya hindi na kailangan pang makita ng publiko ang aktuwal na pagbabakuna sa kanya.
Ito ang sagot ng alkalde sa tagapakinig niya na sinabing dapat siyang mmagpabakuna “in public para ma-boost ang confidence ng mga taga-Davao na magpabakuna na rin.”
Imbes, umapela siya sa mga taga-siyudad na pumunta sa mga vaccination sites at tumanggap ng bakuna.
Idinagdag niya na hindi dapat maniwala sa mga sabi-sabi ukol sa bakuna na walang basehan sa siyensya.
Nitong Lunes ay 422 ang naitalang bagong kaso ng Covid-19 sa siyudad kaya umakyat na sa 24,062 ang kabuuang bilang ng mga magkasakit.