Sapilitang pagbabakuna di pa panahon –Palasyo

HINDI pa napapanahon na gawing mandatory ang pagpapabakuna kontra-Covid-19 ng mga Pilipino dahil kokonti pa ang supply ng bakuna na dumadating sa bansa, ayon sa Malacañang.


“Kabahagi ng police power ng estado ang i-require ang bakuna kung talagang kinakailangan. Pero sa ngayon mukhang hindi naman kinakailangan iyan dahil hinihintay pa natin ang bulto ng ating mga bakuna,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


Ito ang reaksyon ni Roque sa panukala ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na gawing batas ang pagbabakuna sa mga Pilipino.


Sa ilalim ng House Bill No. 9252, lahat ng mga hindi nabakunahan ay hindi maaaring pumasok sa mga pampublikong lugar. Hindi naman sakop ang mga may kondisyong-medikal na binawalan ng mga doktor na tumanggap ng bakuna.


Nilinaw naman ni Roque na wala pang posisyon si Pangulong Duterte ukol sa isyu.


“Ang tingin po natin ay dumadami na po o tumataas na ang vaccine confidence kaya nga po ang problema natin ay hindi sapat ang bakuna ‘no doon sa mga gustong magpabakuna,” dagdag niya.