Resbak kay Duterte: Pinoy may karapatang mamili ng vaccine brand

INALMAHAN ng grupong Defend Jobs Philippines ang pahayag ni Pangulong Duterte na huwag maging mapili sa brand ng bakuna ang mga Pilipino.


Ayon kay Defend Jobs Philippines spokesman Christian Magsoy, maraming manggagawa ang nadismaya sa sinabi ng Pangulo, na ipinahayag din na manatili na lamang sa bahay ang mga ayaw magpabakuna.


“Lalo lang nabibigyan ng dahilan para lalong hindi sumunod sa government kasi nire-repress ‘yung rights ng mga workers natin,” ani Magsoy.


Paliwanag niya, iba-iba ang posisyon ng mga manggagawa sa isyu ng bakuna dahil may iba na kinikilingan ang ibang brand kesa sa kung ano ang available.


“Iba-iba ang efficacy rate kaya may iba na mag-aantay ng klase ng brand na prefer nila,” dagdag ni Magsoy.


Matatandaang sinabi ni Duterte sa Talk to the People address niya na huwag nang maging maarte ang mga Pilipino sa brand ng bakuna.


“There’s no reason for you, really, to be choosy about it,” giit ni Duterte, na sinabing tanggapin na lang kung anong bakuna ang naririyan.