KINUMPIRMA ni Press Secretary Trixie Angeles na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa labas.
Sa press briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni Angelex na gagawing opsyon na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga open space o non-crowded areas na maayos ang bentilasyon.
Gayunman, iminumungkahi na panatiliin ang pagsusuot ng mask sa hanay ng mga senior citizens at sila na mga immunocompromised.
“Ito ay nagiging opsyonal in open spaces or non-crowded areas with good ventilation provided that senior citizens and those immunocompromised individuals are highly encouraged to continue wearing mask. So ito ang mga senior kahit po outdoor, iniencourage po na magsuot ng mask, ang optional po ay yung non-crowded areas with good ventilation,” sabi ni Angeles sa isang briefing.
Sinabi pa ni Angeles na susubukan din na tuluyang nang alisin ang mandatory na pagsusuot ng mask sa huling bahagi ng 2022.
“Ang lifting ng mandatory mask mandate ay ipa-pilot towards the last quarter of 2022 provided na merong improvevement doon sa Covid-19 booster vaccine coverage,” dagdag ni Angeles.
Aniya, dapat ay mapataas ang mga bilang ng mga nagpapa-booster matapos unang maitala na 50 porsiyento pa lamang ang nakatanggap ng booster.