Quiapo church sarado hanggang Huwebes

SARADO ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo church mula bukas hanggang Huwebes sa gitna ng muling paglobo ng mga kaso ng Covid-19 sa National Capital Region.


Kasalukuyang nasa ilalim ng Alert level 3 ang Metro Manila. Tatagal ito hanggang Enero 15.


“Dahil po sa mga nabalita na biglaang pagtaas ng Covid-19 cases sa Manila kaya’t naisipan po namin na pansamantala na ang simbahan ng Quiapo ay isara mula Jan. 3 hanggang Jan. 6,” ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng simbahan.


“Ito ay pakikiisa ng simbahan upang maiwasan ang paglaganap ng hawaan ng Covid” dagdag pa ni Fr. Badong.


Ang pagsasara ay magbibigay din ng daan para maisailalim sa disinfection ang simbahan at mga nakapaligid na lugar. Muli itong magbubukas sa Enero 7.


Idaraos ng Quiapo church ang kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9, kung saan inaasahang dadagsa ang mga deboto.


Ang tradisyunal na traslacion, ang taunang prusisyon para markahan ang kapistahan, ay muling sinuspinde dahil na rin sa banta ng Covid-19. –A. Mae Rodriguez