ITINIGIL pansamantala ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagbibigay ng first dose ng bakuna kontra Covid-19 dahil sa kakulangan ng supply.
“Nais naming ipaalam sa lahat na ubos na ang supply ng first dose vaccines sa ating lungsod at tanging ang mga naka-schedule para sa second dose na lamang ang natitira at gagamitin sa mga susunod na linggo,” ayon sa kalatas.
Sinabi ng siyudad na hinihintay pa nito ang susunod na batch ng doses na ibibigay ng national government.
Samantala, tuloy naman ang pagbabakuna ng second dose sa mga residente.
“Para sa mga naka-schedule na magpabakuna ng kanilang second dose, pumunta lamang sa vaccine site sa araw na nakalagay sa inyong vaccination card. Pinapaalala rin namin na ingatan at itago ninyo ang inyong vaccination card na inyong patunay na kayo ay nabakunahan,” ayon pa sa kalatas. –A. Mae Rodriguez