Pulis itatalaga sa hotel; naka-quarantine babantayan

INATASAN ni Pangulong Duterte si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na magtalaga ng mga pulis sa mga hotel upang hindi na maulit ang ginawa ni “Poblacion Girl” at isa pang balikbayan na tumakas mula sa quarantine.


“What I propose for government to do is we have yet to see this… Si Secretary Año. Sir, kaya mong maglagay ng pulis sa mga hotels na ginagamit ng quarantine ng gobyerno? Dalawang pulis in two shifts para diyan lang,” ani Duterte sa kanyang Talk to the People.


Idinagdag ng Pangulo na walang kakayahan ang mga opisyal at empleyado mga hotel na pigilan ang mga nais tumakas mula sa quarantine.


“They cannot — physically they cannot stop. They have no authority nor the power. Ang makapahinto lang sa kanila ‘yung government personnel placed or put there in the hotel to work in the matter of placing people under quarantine. It has to be a government personnel or employee,” dagdag ni Duterte.


Sinabi naman ni Año na inatasan na niya si Philipine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos kaugnay sa utos ng Pangulo.


“Nag-usap na po kami ni Chief Philippine National Police General Carlos tungkol po dito at naghanda na po sila,” aniya. –WC