NAGBABALA ang Department of Transportation (DOTr) sa publiko laban sa mga pekeng vaccination cards.
Ito ang matapos ianunsyo ng ahensya ang bagong polisiya sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila kaugnay sa ipatutupad na “no vaccination, no ride” policy na sisimulan sa Lunes, Enero 17.
Sinabi naman ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon na mananagot ang mga operators sakaling may makalusot na mga pasahero na may dalang pekeng vaccine card.
“Kung may violation po iyan ang mananagot po nga ay iyong operator at ang driver,” ayon kay Tuazon.
Pakiusap naman ni Tuazon na sumunod na lamang sa patakaran ng pamahalaan sa bagong polisiya.
“Sa totoo lang po tayo po ay nakikiusap sa lahat po ng ating mga mananakay, sumunod na lang po tayo dito ng maayos, huwag na po tayong magdala na mga peke or mga hindi totoong mga vaccination card para sa kaligtasan po natin ito,” ani Tuazon.