IILANG mga miyembro ng Presidential Security Group na naka-assign para bigyang seguridad si Pangulong Duterte ang nagpositibo sa Covid-19.
Ito ang itinuturong dahilan kung bakit dalawang beses nang na-postpone ang sana’y nakatakdang pakikipag-usap ng pangulo sa PUBLIKO.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sa susunod na linggo na lamang haharap si Duterte para sa kanyang “Talk to the Nation” dahil sa dumadami anya ang bilang ng kaso ng coronavirus disease, at kabilang na sa mga nahawa ay ang ilang tauhan ng PSG.
Sinasabi na meron umanong may 45 active cases ang binabantayan sa hanay ng PSG.
Pero nilinaw naman ng mga opisyal ng Palasyo na ang mga tinamaan ng Covid ay walang naging direktang contact sa pangulo.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang PSG bago pa ang rollout ng bakuna sa bansa matapos mapaulat na nauna ang mga ito na magpaturok ng anti-covid vaccine na Sinopharm.