BABANTAYAN nang todo ng Philippine National Police ang galaw ng publiko kapag ipinairal na muli ang enhanced community quarantine mula Agosto 6 hanggang 20.
“Ang dapat tandaan ng ating kababayan na ang ECQ ang pinakamahigpit kung saan only essential establishments, industries ang magkakaroon ng operation. Basically, based on this, doon natin pagbabasehan kung sino ba ‘yung mga tinatawag nating mga authorized persons outside of residence o APOR,” ani PNP chief Gen. Guillermo Eleazar.
Maliban sa APOR, papayagan lang lumabas ang mga taong kailangan ng essential goods o services. “At isa na lang ang palalabasin kung bibili ng gamot o pagkain,” ani Eleazar.
Hihigpitan din ang interzonal travel kaya maglalagay ng mga checkpoint para sa border control ng bawat siyudad sa Metro Manila.
Payo ng opisyal sa publiko na huwag nang lumabas kung hindi kailangan.
“Sayang ang sakripisyo at paghihirap ng ating mga kababayan pati na rin ng ating gobyerno kung di natin maaattain ‘yung objective nito,” sabi ni Eleazar. –A. Mae Rodriguez