Plus 10′ areas may dagdag na bakuna

DADAGDAGAN ng Department of Health (DoH) ng supply ng bakuna ang 10 lugar na nasa labas ng Metro Manila na mayroong mataas na bilang ng Covid-19 cases.


“We’re looking at 25 to 30 percent each for Visayas and Mindanao. ‘Yan ang magiging range ng support natin. But magbabago pa rin ‘yan depende sa metrics like average daily attack rate and health care utilization rate, and ICU bed utilization rate,” ani Health Secretary Francisco Duque III.


Nitong Huwebes ay inanunsyo ng Malacañang na bibigyang prayodidad sa distribusyon ng bakuna ang Bacolod, Iloilo City, Cagayan De Oro, Baguio, Zamboanga City, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, at Legazpi City.


Matatandaan na bulto ng bakuna ay ibinabagsak sa NCR Plus 8 area, na kinabibilangan ng Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal.


“(Dahil) nasa low risk naman na ang NCR Plus, ire-recalibrate natin (ang pamimigay ng bakuna) doon naman sa nagkakaroon ng surge. Dinadala natin ang mas maraming bakuna, pero hindi ibig sabihin na ititigil mo pagbabakuna dito sa NCR. Sinasabi lang natin maglalagay tayo ng dagdag doon sa mga lugar na may surge,” paliwanag ni Duque. –WC