Pinoy sawi sa pagsipa ng Covid cases sa Thailand

NAMATAY sa Covid-19 ang isang Pilipino sa Thailand kung saan nananalasa ang mas nakahahawang Delta variant.


Ani Philippine Ambassador Millicent Cruz-Paredes, mayroong humigit-kumulang 30,000 Pinoy naninirahan sa Thailand, karamihan ay mga guro.


Inihayag ni Cruz-Paredes na sa 30 Pilipino na nadale ng Covid-19 doon, 27 na ang gumaling habang isa ang namatay nitong buwan.


“Sa ngayon po ay nakikipagtulungan kami sa kanyang pamilya kung anuman po ang mga tulong na pangangailangan nila,” dagdag ni Cruz-Paredes.


Nagsimulang umakyat ang bilang ng mga impeksyon sa Thailand noong Marso dahil sa mas nakahahawang variants gaya ng Alpha at Delta variants.


Simula ng pandemya ay nasa 381,907 lamang ang total cases ng Covid-19 sa Thailand. Nitong Biyernes ay naitala ang 9,692 na bagong kaso.


“Nakahanda na po kami kung anuman ho ang magiging challenges again na magreresulta dito at alam din po iyan ng ating mga Filipino community dito,” ayon sa ambassador.