KUMPLIKADO at mahabang usapin ang pag-aresto sa mga mamamayang hindi bakunado at lalabas ng kanilang mga tahanan ngayon na muli na namang tumataas ang bilang ng kaso ng coronavirus disease.
Ito ang sinabi ni presidential candidate at Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson hinggil sa utos ni Pangulong Duterte laban sa mga hindi bakunado.
Ipinaliwanag ni Lacson sa panayam ng DWIZ nitong Sabado na mahirap para sa mga eksperto sa batas na masolusyonan kaagad ang mga magiging hinaing hinggil sa direktibang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa banggaan ng dalawang karapatan—ng indibidwal at ng lipunan.
“Alam mo, ‘yung move na ‘yan o suggestion na ‘yan o move ng presidente, maski mismong mahistrado ng Korte Suprema ang tanungin natin sa legal, hindi ka mabibigyan ng eksaktong sagot kaagad. Sasabihin nila ‘pag-aaralan namin ‘yan,’” ayon kay Lacson.
“Kasi ang nagbabanggaan diyan ‘yung individual right ng tao, ‘yung karapatan ng isang tao, laban naman sa karapatan ng mas nakakarami… At saka merong batas namang sumasaklaw e, ‘yung Republic Act 11332, ‘di ba?” dagdag niya.
Tinutukoy ni Lacson ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act of 2018, kung saan idineklarang polisiya ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at ikintal sa kanila ang kamalayan sa kalusugan.
“Kung titingnan natin, kung susuriin, meron namang pinanggagalingan na batas. Naipasa ito 2019, ano. In-amend na nga nito ‘yung dating batas pa na nauna. Pero mahabang debate ito kung aabot sa Korte Suprema kung sakaling merong mag-pa-file ng petisyon, ano,” aniya.
“Ang hindi ko lang maintindihan ay, ‘di ba, libre naman ang bakuna?… Bakit ‘yung iba ayaw pa magpabakuna? E hindi lang naman sarili nila at saka ‘yung mga mahal nila sa buhay ang kanilang pinoprotektahan, kung hindi pati ‘yung mga ibang tao na maski hindi nila kilala,” pahayag ni Lacson.