KINUKONSIDERA nang low-risk area para sa Covid-19 ang Pilipinas dahil sa pagbaba ng national case growth rate at average daily attack rate.
“Dahil negative ang ating two-week growth rate at nakikita naman natin ang ating ADAR ay naka-moderate risk na at 5.42, the risk classification nationally is already at low risk,” ani Department of Health (DoH) Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman.
Ayon sa opisyal, bumaba na sa -9 porsyento ang case growth rate ng bansa mula Hunyo 13-26 mula sa 15 porsyento noong Mayo 30-Hunyo 12.
Samantalang ang national utilization rates ng mga hospital at ICU beds ay 46.51 porsyento at 55.24 porsyento, dagdag niya.
Ang average new cases daily naman ay nasa 5,772 mula Hunyo 24-30, mas mataas ng konti sa 5,638 kaso mula Hunyo 17-23.