TINIYAK ni Philippine College of Physicians (PCP) president Dr. Maricar Limpin ang kahandaan ng mga doktor sakaling tumaas muli ang mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa sa harap ng banta ng bagong Omicron virus.
“Kami sa Philippine College of Physicians talagang naghahanda na kami sa possibility na magkakaroon muli tayo nang pagtaas ng Covid-19 lalung-lalo na ngayong merong na tayong na-identify na dalawang kaso ng Omicron but we are still hoping na sana hindi tumaas,” sabi ni Limpin sa panayam sa DZMM.
Nauna nang kinumpirma ng Department of Health (DoH) ang unang dalawang kaso ng Omicron matapos magpositibo sa bagong variant ang dalawang OFWs mula Japan at Nigeria.
“In the case na tumaas ay handa kami. We are ready to serve the Filipino people,” ayon pa kay Limpin. Kasabay nito, sinabi ni Limpin na dapat panatiliin na lamang ang kasalukuyang Alert Level 2.
“Ang IATF ay siguro ay maghinay-hinay sa pagbaba ng mga alert levels. We are not saying na yung restriction ay i-restrict pa, i-maintain lang po natin ngayon, wag na po nating alisin ang iba pang restrictions. The way it is, napakadami ng tao na nasa labas,” dagdag ni Limpin.
Aniya, dapat ay tiyakin ang pagsunod sa pagsuot ng mask at minimum health protocol.
“In fact, last night nakita namin yung a group of people, mga babae pa naman, walang mask whatsoever, and then unfortunately yung nasa restaurant naman, ni hindi man lamang sila pinagsabihan. I think responsibilidad yan ng mga restaurant owners at yung mga tao nila iremind ang mga customers nila, I don’t think magagalit ang mga customers nila,” dagdag ni Limpin.