SINABI ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na posibleng mabigyan na ng emergency use authorization (EUA) ang Pfizer para sa edad 5 hanggang 11 bago matapos ang 2021.
“Sa ngayon meron tayong application sa Pfizer for 5 to 11 year old. Sinubmit nila last week at ito yung ini-evaluate ng ating vaccine expert. Siguro before the end of the year mabigyan na natin ng EUA,” sabi ni Domingo sa panayam sa DZBB.
Idinagdag ni Domingo na target din ni Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na masimulan ang pagbabakuna sa mga batang edad 11 hanggang 5 sa Enero 2022.
Aniya, aabot ng 12 milyon ang populasyon ng edad 5 hanggang 11.
Samantala, sinabi ni Domingo na hindi pa nagsusumite ng aplikasyon ang Moderna para masakop ang mga batang 5 hanggang 11.
“Sa ngayon wala pa tayong natatanggap na application from Moderna, hindi pa sila nagbibigay ng data nila on children below 12, so talagang hanggang 12 pa lamang ang sinubmit sa atin. Until magsubmit sila ng application, hindi natin sila mabibigayna ng EUA for 5 to 11 years old,” sabi pa ni Domingo.
Idinagdag ni Domingo na kabilang sa mga bansang nagbabakuna na ng 5 hanggang 11 ang US, Canada at mga bansa sa Europa.