INIHAYAG ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ilang side effect ang naiulat sa pagbabakuna ng mga edad 12 hanggang 17.
“Ang ine-report sa atin ay dalawa about anxiety-related, meron po isang nag-allergy pero pagkatapos ay natugunan agad at natapos din naman at meron namang isa nagkaroon ng pagtaas ng presyon pero after two hours nag-stabilize,” ani Vergeire sa panayam sa DZMM.
“Ito po ang nai-report sa atin, although not official yet dahil hindi pa nagagawan ng complete assessment,” dagdag ng opisyal.
Sinabi naman ni Vergeire na sa pangkalahatan ay naging matagumpay ang pagbabakuna sa mga bata na nagsimula noong Oktubre 15 sa walong ospital.
“It was really successful. In fact, we have a total of 1,509 children who were already vaccinated. Ito’y maganda naman talagang balita na ang ating mga magulang at mga kabataan ay talagang may kumpiyansa sa ating mga bakuna,” aniya.
Ayon pa kay Vergeire, target ng pamahalaan na mapalawak ang pagbabakuna sa mga bata sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo. –A. Mae Rodriguez