DALHIN at gamitin pa rin ang face shield, payo ni National Task Force Against COVID-19 Spokesperson Restituto Padilla.
Anya, mas makabubuting maging handa sakaling may ibang establisimyento ang nagpapatupad ng pagsusuot ng face shield kahit pa niluwagan na ng gobyerno ang restriksyon sa pagsusuot nito.
Bukod dito, dagdag proteksyon pa rin anya ang pagsusuot ng face shield kung lalabas ng bahay.
“Ito naman po ay bunga ng pagiging conscious natin, bilang proteksyon sa lahat. Huwag niyo pong imasama na tayo ay patuloy na nagpapagamit ng face shield,” ayon kay Padilla.
“Kaya ang amin pong abiso, dalhin niyo lang po ang face shield niyo, kung sakali ipapagamit, eh di isuot niyo. Kung hindi naman, at nandoon kayo sa maayos na lugar, puwede niyo nang hawakan na lang o ilagay sa lalagyan,” dagdag nito.
Nitong Biyernes, nilinaw ng Palasyo na maaari pa ring magpatupad ng sarili nilang polisiya ang mga pribadong kumpanya hinggil sa pagsusuot ng face shield.