KUNG ang mga Katolikong Pinoy ay nagdarasal kay Hesus na itigil na ang pandemya, sa India ay nananalangin ang mga paring Hindu sa dalawang “diyosa ng coronavirus” na iligtas sila sa nakahahawang sakit.
Sa ulat, dinadasalan ng mga pari ang mga imahen ng dalawang diyosa o devi sa templo sa Coimbatore, isa sa mga siyudad sa India kung saan libo-libo ang nadale ng Covid-19.
Sarado ang templo ng Kamatchipuri Adhinam dahil sa dami ng may sakit kaya tanging mga pari lang ang nakapag-aalay ng dasal sa dalawang diyosa, isa ay gawa sa bato at ang isa ay gawa sa kahoy.
Maliban sa dasal at awit, nag-iiwan din ang mga pari ng pagkain sa mga diyosa. Madalas din nilang pinagliguan ang mga ito ng pinaghalong gatas at turmeric water.
Napag-alaman na maliban sa dalawang imahen ng diyosa ng coronavirus, mayroon din silang dinadasalan doon na mga diyos at diyosa ng iba’t-ibang sakit.
Ayon sa mga pari, “sinasamba’ nila ang virus sa anyong mga diyosa araw-araw upang tuluyang matapos ang pandemya.
Idinagdag nila na humihingi na sila ng tulong sa kanilang mga diyos dahil kahit ang mga doktor sa kanilang bansa ay nahihirapan na sa sitwasyon.