SINABI ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagamat suportado niya ang ‘no vax, no subsidy’ na isinusulong, kailangan pa aniyang amyendahan ang batas kaugnay ng 4Ps na programa ng pamahalaan.
“Well tingin ko po ‘no ay pupuwede naman pong i-require iyan sa 4Ps pero baka kinakailangan po amyendahan iyong batas kasi iyong batas po ay nagsasabi kung sino iyong entitled sa 4Ps,” sabi ni Roque.
Ito’y sa harap naman ng ulat na maraming benepisyaryo ng 4Ps ang ayaw pa ring magpabakuna kontra coronavirus disease (Covid-19).
“Hindi lang po ito isang executive program, ito po’y naisabatas ng Kongreso sa pamamagitan ng RA 11310. So mayroon naman pong probisyon doon kung paano magkakaroon ng pag-amyenda ang batas at sa tingin ko naman po ay isang balidong dahilan na i-require ang vaccination kapalit ng pagtatanggap po ng 4Ps benefits,” ayon pa kay Roque.