KAHIT pa lumolobo ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 ay walang plano ang Malacañang na ibalik ang enhanced community quarantine ngayong buwan.
Pero sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ibang usapan na pagdating ng Abril.
“Sa buwan ng Marso, possibly hindi pa po,” aniya. “Hindi po natin alam kasi kung hindi po natin mapapababa ang r-naught na 1.9. Ang ibig sabihin po noon, ang isang tao na may Covid ay makakahawa ng at least dalawa. Mabilis po iyon. I really do not know what will happen in April kaya po binabantayan natin.”
Kahapon ay pumalo sa 4,899 ang mga bagong kaso ng Covid-19 kaya nasa 621,498 na ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit na Pinoy.