DAPAT munang ma-stabilize ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa Pilipinas bago alisin ng pamahalaan ang mandatory face mask policy, ayon sa Department of Health.
“Kailangan po nakita natin stable na po ‘yung mga kaso dito sa ating bansa. When we say stable, nakikita natin acceptable na po ‘yung mga bilang ng mga kaso sa atin,” sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na wala pa sa endemic stage ang Covid-19 sa bansa.
“When we talk about endemic stage, ang ibig sabihin niyan, ang mga kaso ay stable na at pangalawa mataas ang immunity ng population,” paliwanag niya.
Idinagdag ng opisyal na kahit pa mababa na ang kaso ng severe cases sa bansa, hindi pa naaabot ng gobyerno ang target na bilang ng kailangang mabakunahan.
“And there is evidence na nagpapakita na mukhang bumababa na ‘yung immunity ng ating populasyon. So kailangan ‘yung safeguards natin, nandyan pa rin hanggang makita natin na mataas na ‘yung immunity ng population,” ani Vergeire.
Nitong Miyerkules, nilagdaan ni Cebu City Mayor Michael Rama ang executive order na hindi na oobligahin ang paggamit ng face mask sa labas at open areas ng lungsod.