WARNING ng OCTA Research Group sa publiko: asahan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, bukod sa Metro Manila, umakyat din ang bilang ng mga kaso sa Bulacan, Rizal at Pangasinan.
Sa Metro Manila, ang may pinakamaraming tinatamaan ng virus ay Quezon City at Maynila, ani David.
“Iyong reproduction number natin ay nasa 1.14 sa Metro Manila. At mayroon tayong one-week growth rate na 18 percent, ibig sabihin, tumaas iyong bilang ng kaso ng 18 percent kumpara sa nakalipas na linggo. Tapos iyong seven-day positivity rate natin, tumaas din, nasa 14.5 porsiyento, nagmula ito sa 12.7 percent positivity rate,” paliwanag niya.
Idinagdag ni David na umakyat din ang healthcare utilization rate sa 39 porsiyento mula 36 porsiyento.
“Posibleng magtuluy-tuloy pa ito na tumaas. Hindi naman tayo dapat maalarma kasi ang binabantayan nga natin ay iyong hospital bed utilization at saka iyong mga ICUs,” idinagdag niya.
Inihayag pa ni David na posibleng mahigitan pa ngayong Setyembre ang 1,700 kaso ng Covid-19 na naitala kada araw noong Agosto.