INIREKOMENDA ni Health Secretary Francisco Duque III ang boluntaryong pagsusuot ng face shield sa Metro Manila.
“At huli po, aming inirerekomenda ang voluntary use ng face shields sa mga community settings na nasa Alert Level 1 pati na rin sa Alert Level 2 maliban sa public transport,” sabi ni Duque sa kanyang ulat sa Talk to the People.
Iginiit naman ni Duque na dadaan sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanyang rekomendasyon na nakatakdang magpulong sa Huwebes.
Nauna nang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang hindi na pagsusuot ng face shield sa lungsod, bagamat igniit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ito ay null and void.
Hinamon ni Moreno ang pamahalaan na kuwestiyunin na lamang sa korte ang kanyang ipinalabas na executive order.