KAHIT igniit na ng Department of Health na wala pang surge ng Covid-19 cases sa Metro Manila, ipinilit ng OCTA Research na nagsimula na ang kinatatakutang pangyayari ng publiko.
Ani Ranjit Rye ng OCTA Research, opisyal nang mayroong surge sa National Capital Region.
“Right now it’s official, we are in a surge po dito sa NCR. Hindi po pwedeng balewalain ito. Hindi puwedeng hindi pansinin itong pagtaas,” ani Rye.
Ipinaliwanag niya na sumipa na sa 1.33 ang reproduction number sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa wala pang 1 na reproduction rate noong mga nakaraang linggo.
Ang nakikitang solusyon ng grupo ay magpatupad ng “circuit breaking lockdown” habang hindi pa gaano nakakatakot ang mga numero.
“Dapat maagap, maingat. Kung maaga tayong mage-enforce ng circuit breaking restrictions, sa tingin namin, mas mainam ‘yun. Mababa pa ang mga kaso, konti ang mahahawa, halos walang mamamatay at ‘yung ekonomiya mase-save natin kasi maikli lang ang lockdown. Go early and go hard,” hirit ni Rye.