INAPRUBAHAN ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon na isailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal simula Mayo 15 hanggang Mayo 31.
Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang GCQ sa NCR Plus Bubble bagamat may karagdagang paghihigpit.
Bukod sa NCR Plus Bubble, sakop ng GCQ ang mga lugar sa Cordillera Administrative Region kagaya ng Apayao, Baguio City, Benguet, Kalinga, Mountain Province at Abra; Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya sa Region 2; Batangas at Quezon sa Region 4-A; Puerto Princesa sa Region 4-B; Iligan City sa Region 10; Davao City sa Region 11; at Lanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Samantala, pasok sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Santiago City at Quirino sa Region 2; Ifugao sa CAR; at Zamboanga City sa Region 9.
Mananatili naman sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang iba pang mga lugar sa bansa hanggang sa katapusan ng Mayo. –WC