INIHAYAG ni National Task Force Against Covid-19 Spokesperson Restituto Padilla na pinalawig hanggang Biyernes ang implementasyon ng National Vaccination Day sa harap ng pagkabigo ng pamahalaan na maabot ang target nitong siyam na milyon na mababakunahan.
“Inextend ito hanggang Biyernes so hanggang bukas. Para ho sa mga nagnanais pang magpabakuna, patuloy pa tayong nagbabakuna at inextend natin hanggang Biyernes ang ating National Vaccination Day at magkakaroon pa ho sa kalagitnaan ng Disyembre,” sabi ni Padilla sa panayam ng DZMM.
Idinagdag ni Padilla na maganda pa rin naman ang mga datos matapos na makapagtala ng mahigot limang milyon na mga nabakunahan sa unang dalawang araw ng National Vaccination Day.
Aniya, hinihintay pa ang opisyal na mga datos para sa ikatlong araw. Nakatakdang magsagawa ng pangalawang bugso ng National Vaccination Day mula Disyembre 15 hanggang 17, 2021 para maabot ang naunang target na 15 milyon.