Nasayang na bakuna 1K doses ang–DoH

AABOT lamang sa 1,000 doses ng bakuna kontra-Covid-19 ang kinokonsiderang wastage o nasayang kumpara sa mahigit 5.3 milyon doses na naiturok na sa mga Pilipino.


Ayon kay National Vaccination Operations Center chair at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, kung tutuusin ay kakaunti lamang ang mga nasayang na bakuna.


Sa isang panayam, sinabi ni Cabotaje na walang nasirang bakuna sa nangyaring brownout noong isang linggo dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.


“When we say nasayang in terms na nagkulang ang dose, nasayang dahil na-frozen, or pagtingin mo sa ampule, hindi lumalabas ‘yung 0.5 hindi na tinuturok yan. Hindi naman kalakihan ang wastage, hindi umaabot ng 1,000 doses ‘yan. Kasama na diyan ‘yung sa nasunog sa Cotobato,” ayon sa opisyal.


Tiniyak naman niya na may nakahanda nang iba’t ibang contingency sakaling magkaroon ng brownout at pagbaha ngayong tag-ulan.


“May tinatawag tayong cold chain manager. Kailangan merong contingency plan which include monitoring Sabado man o Linggo. Four times a day ay tinitingnan nila kung ‘yung temperature ng cold chain facility ay nasa angkop na temperatura,” dagdag ni Cabotaje. –WC