Mundo ‘sasakupin’ ng Delta variant–WHO

NANINIWALA ang World Health Organization (WHO) na ang mas nakahahawang Delta variant ang magiging pangunahing strain ng virus sa mga susunod na buwan.


Sa kasalukuyan ay naitala na sa mahigit 120 bansa sa nasabing variant na unang na-detect sa India.


“It is expected that it will rapidly out-compete other variants and become the dominant circulating lineage over the coming months,” ayon sa WHO.


Nangunguna pa rin sa mga itinuturing na variants of concern ang Alpha, na unang na-detect sa UK, na kumalat sa 180 bansa, at sinusundan ng Beta, na unang na-detect sa South Africa, na naiulat sa 130 bansa. Kumalat naman sa 78 bansa ang Gamma, na unang na-detect sa Brazil.


Ayon sa WHO, mahigit 75 porsyento ng mga Covid cases sa Australia, Bangladesh, Botswana, Britain, China, Denmark, India, Indonesia, Israel, Portugal, Russia, Singapore at South Africa ay bunsod ng Delta variant.