MALABO pang maipatupad ang modified general community quarantine (MGCQ) status, ang pinakamaluwag na lockdown classification, sa NCR Plus, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, mas mataas ang tiyansa na pairalin ang ordinary GCQ kesa sa MGCQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal simula Hunyo 16.
“Ang problema po natin mataas pa rin yung actual numbers. Hindi pa tayo nakakabalik sa mga numero natin bago pumasok ang new variants,” ani Roque.
Bago nadiskubre ang mga bagong variants ng coronavirus sa bansa, nakapagtatala lang ng hanggang isang libo na bagong kaso kada araw sa Metro Manila. Kahit ganoon ang numero, hindi isinailalim sa MGCQ ang NCR.
Nitong Linggo, nakapagtala ang Department of Health ng 7,302 bagong kaso ng Covid-19
“Ang nakikita ko po ay ordinaryong GCQ pero sa tingin ko po mukhang malabo pa ‘yung MGCQ,” ani Roque. –WC