Mayor humirit ng ‘uniform penalties’ sa magpapa-Covid booster shot sa NCR

IMINUNGKAHI ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na magkaroon ng pare-parehong parusa ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na ipapataw sa mga indibidwal na magpapabakuna kontra Covid-19 nang higit sa dalawang beses.


“Kinonsulta ko si (Metropolitan Manila Development Authority) chairman Benhur Abalos about this ang sabi nga niya wala pang ordinansa ang mga lungsod. Ang sabi ko, sana at least may pangkalahatang parusa ang lahat ng mga Metro Manila mayors since nagsi-city hopping itong mga perpetrators,” ani Belmonte sa isang panayam.


Kahapon ay sinampahan ng reklamo ng QC ang dalawa katao na nagpaturok ng booster shot sa lungsod kahit bakunado na.


Isa rito ay nakatanggap ng dalawang doses ng Sinovac vaccine sa Mandaluyong City noong isang buwan pero nagpabakuna ng Moderna vaccine sa Quezon City ngayong linggo.


Natukoy ang lalaki matapos niyang ibahagi sa Facebook ang kanyang ginawa.
Ibinandera rin sa social media ng isa pang lalaki na nakadalawang dose siya ng Sinovac at isang dose ng Pfizer. –A. Mae Rodriguez