IKINATUWA ng Malacañang ang pagtaas ng bilang ng Pilipino na may kumpiyansa sa bakuna matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na 51 porsyento ang naniniwala sa Covid-19 vaccination program ng pamahalaan.
Ani presidential spokesperson Harry Roque, patunay ito na mas marami ng mamamayan ang naniniwala sa na ligtas at epektibo ang mga bakuna.
“Nagagalak po kami tumaas na ang ating vaccine confidence to 51 percent. Sa katunayan po talagang nakakaimpluwensiya sa kumpiyansa ng ating mga kababayan ‘yung katotohanan na ang kanilang kapitbahay ay nakapagbakuna na at naririyan din ang listahan ng mga aprubadong mga bakuna na hindi lang ng Pilipinas kundi ng World Health Organization (WHO),” sabi ni Roque.
Base sa SWS survey na isinagawa mula Abril 28 hanggang Mayo 2, nasa 51 porsiyento ng mga Pinoy ang kumpiyansa sa mga bakuna, 31 porsiyento ang hindi pa desidido at 17 porsiyento ang walang kumpiyansa.
“Nagagalak po kami na 30 porsiyento ang dapat pang kumbinsihin pa kaya po magkakaroon tayo ng bagong massive information campaign at doon sa 17 percent hindi pa rin tayo mag-give up diyan dahil importante po lahat ng Filipino ay mabakunahan,” dagdag ni Roque.