DUMATING kagabi ang kabuuang 5,020,590 na doses ng Sinovac at Pfizer bilang bahagi ng ginagawang vaccination program ng pamahalaan kontra coronavirus disease (Covid-19).
Unang dumating ang tatlong milyong doses ng Sinovac na bahagi ng binili ng pamahalaan na sinundan ng 2,020,590 doses ng Pfizer na bahagi ng donasyon mula sa COVAX facility.
Dahil sa pagdating ng Sinovac at Pfizer, aabot na sa 64,380,400 ang kabuuang bakuna na dumating sa bansa.
Sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez,Jr. na ipamamahagi ang mga doses ng Sinovac sa regions 3, 4-A, 7, 11 at National Capital Region, samantalang inaasahan namang ibibigay ang Pfizer sa Davao, Cebu at NCR.
Inamin ni Galvez na hamon sa pamahalaan kung paano mabakunahan ang mga senior citizen sa harap naman ng tumataas na kaso ng Covid-19. “Yung isa sa mga challenges natin, talagang ayaw lumabas ng mga matatanda para magpabakuna dahil takot pa rin ngayon dahil tumaas ang kaso,” sabi ni Galvez.