IGINIIT ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaga pa para masabing handa na ang Metro Manila sa Alert Level 1.
Ito naging tugon ni Vergeire sa gitna ng mga panukala na maaari nang ipatupad ang pinakamababang alert status simula sa Pebrero 16.
Sa briefing ng Laging Handa, idinagdag pa ng opisyal na may sinusunod na mga datos ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagkokonsidera ng alert level.
“Pero tandaan natin iyong metrics natin for Alert Level 1, mayroon siyang kasama na vaccination coverage, mayroon din siyang kasama na safety seal requirements. So itong dalawang ‘to ang magbabalanse at magsisiguro sa atin na kung mataas ang bakunahan ng ating populasyon sa isang lugar na iyon – katulad NCR,” sabi ni Vergeire.
Idinagdag ni Vergeire na dapat ding ikonsidera ang mga hindi pa bakunado sa bansa na maaaring pagmumulan ng mutation.
“I’m not saying na hindi tayo pupunta sa Alert Level 1. Ang sinasabi lang natin pag-aaralan nating maigi ‘yan para tayo’y makasiguro na mayroon tayong adequate safeguards kapag tayo ay nagbaba na and people will be protected also by our government because of these metrics,” aniya.
Epektibo ang Alert Level 2 sa Metro Manila hanggang 15 Pebrero.