Lagundi mabisa kontra Covid–19


MAS mabilis ang naging paggaling ng mga pasyente ng Covid-19 na may mild symptoms makaraang bigyan ng lagundi base sa ginawang clinical trial sa bansa.


Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), sa mga susunod na buwan ay pag-aaralan naman nila ang epekto ng halamang-gamot sa mga pasyente na mayroong moderate symptoms.


Kabilang sa mga isinailalim sa clinical trial ang 278 pasyente mula sa iba’t-ibang quarantine facilities. Kalahati sa mga ito ay binigyan ng lagundi.


Ani DOST Secretary Fortunato dela Peña, lahat ng mga pasyente ay gumaling pero ang mga nag-lagundi ay agad nagbalik ang kanilang pang-amoy.


Ang kawalan ng pang-amoy ay isa sa mga sintomas ng Covid-19. Ang iba pa ay lagnat, ubo, sakit ng katawan, sore throat, diarrhea, at sakit ng ulo.


“Ang mga sintomas ng mga nag-take ng lagundi ay mas unang nawala. Pero ang kabuuang finding ay pare-pareho silang umabot ng between seven and eight days bago maka-recover at wala naman pong naging adverse effect,” ani dela Peña.


Samantala, sinabi ng opisyal na matatapos na ngayong buwan ang clinical trial sa paggamit ng virgin coconut oil sa mga pasyente na may moderate at severe Covid-19.


Matatandaang sinabi ng kagawaran na mabisang food supplement ang virgin cooconut oil upang mabawasan ang sintomas ng nakahahawang sakit.