PINAG-AARALAN na ng Inter-Agency Task Force kung irerekomenda nito kay Pangulong Duterte ang pagbabalik ng mandatory na pagsusuot ng face shield dahil sa banta ng Omicron variant na sinasabing mas madaling makahawa.
Ito ang sinabi ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. kaugnay ng mga balita na mas malala umano ang epekto ng Omicron variant o B.1.1.529 kung kayat mahigpit ang pagmomonitor ng IATF sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Huwag po kayong mag-alala, huwag po kayong mag-panic. Sundin lang po natin ang minimum health standards at protocols, magsuot po ng face mask, at hopefully magawa natin ‘yung ating ginawa sa Delta variant where we were able to completely manage yung possible unnecessary loss of lives at economy,” sabi ni Galvez.
Aniya, nagpatawag ng emergency meeting ang IATF nitong Linggo para sa magiging hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang pagpasok ng Omicron sa bansa.
“Ang aming panagawan din sa lahat ng ating kababayan, ‘yung mga wala pang bakuna, magpabakuna na. During the onslaught of the Delta [variant], nakita natin na karamihan ng casualties at severe cases ay 75-85% unvaccinated,” ayon pa kay Galvez.