INATASAN ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na ihanda na ang mga kulungan para sa mga mahuhuling hindi nagsusuot ng face mask.
“One of the concerns that need to be addressed is the availability of our detention cells. Alam naman natin na bago pa ang direktibang ito ng ating Pangulo, may mga pagkakataong kinukulang na talaga ang ating mga pasilidad kung kaya’t dapat natin itong paghandaan,” ani Eleazar sa kalatas.
Dagdag ng opisyal na pananatilihin ang physical distancing sa loob ng kulungan, kung saan ide-detain din ang mga mahuhuling hindi maayos ang pagsusuot ng face mask nang hanggang 12 oras.
“Makipagtulungan tayo sa mga lokal na opisyal, kasama ang barangay, para malaman natin kung aling mga lugar sa bawat komunidad ang maaari nating gamiting detention facilities para sa mga sadyang pasaway,” aniya.
Sinabihan naman niya ang mga pulis na “observe maximum tolerance in arresting violators.”
Aniya, mananagot sa batas ang mga pulis na pahihirapan ang kanilang mahuhuli.