Kritiko ng pamahalaan gustong sumablat vaccine drive –Palasyo

NANINIWALA ang Malacañang na ipinagdarasal ng mga kritiko ng administrasyon na pumalpak ang vaccination drive ng pamahalaan dahil sa paulit-ulit nilang pagpuna sa umano’y kabagalan ng pagbabakuna.


“Dapat talaga mayroong puntong nagsisimula tayo at mayroong punto na bibilis at magtatapos tayo. Ganyan po talaga ang kahit ano’ng gawin,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


“Pero hindi ko po maalis sa isip ko na iyong mga kritiko natin para bagang nagdadasal na tayo’y sumablay sa ating vaccination. Huwag naman po,” dagdag ng opisyal.


Bago ito ay sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na nangangalahati na ang taon pero isang porsyento pa lang ng populasyon ang nakakumpleto ng bakuna.


“Mangangalahati na ang taon. Saan na pupulutin ang ipinagsisigawan nilang ‘better Christmas’ kung ganyan kakonti pa lang ang nababakunahan sa buong bansa?” tanong ng senadora.


Ayon kay Vince Dizon, deputy chief implementer ng National Task Force Against COVID-19, umabot na sa 4.3 milyon doses ng bakuna ang naibigay sa mga Pinoy kung saan 986,929 ang nakakumpleto na.


Target ng pamahalaan na maabot ang herd immunity sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa Nobyembre 27, ani Roque.


“Mag-usap na lang po tayo pagdating ng Nov. 27,” hirit niya. –WC