UMAPELA si Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na payagan na ang publiko na makapagpabakuna sa gitna ng ulat na marami sa mga nasa priority group ang bantulot na magpaturok.
Sa susunod na buwan ay nakatakdang dumating ang 21 milyon doses ng Covid vaccines na sapat para sa walong milyong residente ng Metro Manila na gusto nang magpabakuna, dagdag ni Gatchalian.
Ipinunto ng senador ang bagong survey ng Social Weather Station na nagsabing 32 porsyento lamang ng 26 milyong populasyon ng National Capital Region ang handang magpabakuna.
“The rest of the public want to get their vaccines already. We have to start with the willing because they’re raring to go,” aniya sa isang panayam.
Sa susunod na buwan ay sisimulan na ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga essential workers at mahihirap.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na pabor siya sa panukalang maglaan ng brand ng bakuna para sa partikular na grupo gaya ng Pfizer para sa estudyante, AstraZeneca para sa may edad, at Sinovac para sa pulis at sundalo.
“I still believe that we allow first the adults because the adults are susceptible and when we vaccinate them they can go back to work. Then after the adults we can now go into the teenagers,” dagdag ng senador.