NANGANGAMBA ang OCTA Research Group na posibleng pumalo sa 1,200 ngayong Miyerkules ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa sa harap ng pagtaas ng positivity rate na nasa limang porsyento na.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni OCTA Research fellow, Dr. Guido David na sa Metro Manila pa lamang, papalo na sa 400 ang mga kaso ng Covid-19.
“Based on our projection mukhang lalagpas tayo sa 1,000 cases kasi ang positivity rate natin tumaas na lumagpas na sa five percent,” sabi ni David.
Idinagdag ni David na patuloy na tumataas ang positivity rate mula sa dating wala pang isang porsiyento.
“It looks like magkakaroon tayo ng upward trajectory dito sa Philippines at sa NCR,” aniya.
Inamin din ni Guido na hindi isinasantabi ang posibilidad na Omicron na ang nararanasang pagtaas ng mga kaso sa bansa.