Kahit fully-vaccinated pa, 66-anyos pataas bawal pa lumabas–DOH

KINONTRA ng Department of Health (DOH) ang mga hiling na palabasin na ng bahay ang mga senior citizen na may edad 66 at pagtaas kahit pa fully-vaccinated na sila laban sa Covid-19.


Sa umiiral na guidlines, tanging mga may edad na 18 hanggang 65 lamang ang pinapayagang lumabas ng kanilang bahay.


Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kailangan munang mabakunahan ang malaking porsyento ng populasyon bago maaaring palabasin ang mga senior citizens na may edad 66 at pagtaas.


“Habang hindi pa ang marami ang nabakunahan, huwag muna tayong lumabas kung kayo ay senior citizens,” Duque.


Hanggang ngayon, paliwanag niya, ay pinag-aaralan pa rin kung mabisa laban sa sakit ang bakuna.


Sinegundahan naman siya ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sinabing hindi pa sigurado kung tuluyang mai-immune sa Covid-19 ang mga nabigyan na ng dalawang doses ng bakuna.


“Pwede pa po tayong makapanghawa at pwede pa rin po tayong mahawaan nitong sakit na ito at alam natin ang ating mga nakakatanda, sila po ay part of those vulnerable population na gusto nating protektahan,” aniya.