HINDI nagbabago ang posisyon ng gobyerno na kailangang magsuot pa rin ng mask ang mga nabakunahan na kontra-Covid 19, ani Health Undesecretary Maria Rosario Vergeire.
“Ang siyensiya at saka ang ebidensiya ay hindi pa po sapat para makapagbigay tayo ng rekomendasyon para magtatanggal na ho ng mask o ‘di kaya ay makakapunta na sa mga lugar na walang mask ‘yung may bakuna na,” sabi ni Vergeire.
Ito ang sagot, aniya, ng Department of Health sa panawagan na magbigay ng vaccination pass sa mga fully-vaccinated.
“Sa ngayon ang pinanghahawakan pa ho nating kumpletong ebidensiya ng isang bakunadong individual can still be infected and can still infect others. So we retain our position, hindi pa rin ho kami magrerekomenda ng ganitong pagtatanggal ng mask kung kayo ay bakunado na,” dagdag ni Vergeire.
Iniulat din ng opisyal na hindi pa umaabot sa tatlong milyon ang nababakunahan sa Pilipinas.
“So, malaking diperensiya po iyon at hindi po natin puwedeng gawing basehan ang experience ng Estados Unidos para masabi natin na magtatanggal na po tayo ng mask ‘pag vaccinated,” aniya.