MULING pinayagan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga walk-in clients sa mga Covid-19 vaccination sites sa lungsod ngayong araw kasunod ng mababang turnout ng nagpabakuna kahapon.
Nitong Lunes ay nagpatupad ng “no walk-in” policy ang lokal na pamahalaan makaraang ireklamo ang mahabang pila sa mga bakunahan sa mga mall.
Pero nang bumisita si Moreno sa mga vaccination sites noong hapon ay halos walang nagpapabakuna.
Napag-alaman din niya na sa 28,000 na naka-schedule pabakuna ay humigit-kumulang na 4,400 lang ang sumipot.
Marami naman ang pumunta pa rin sa vaccination site kahit walang appointment.
Dahil dito ay muling pinayagan ni Moreno ang walk-in kaya naman alas-9 pa lang ng gabi ay pumalo na sa 14,000 ang nabakunahan.