HINDI muna itutuloy ni presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang “listening tour” sa iba’t ibang panig ng bansa dahil nais niyang bigyang prayoridad ang paglaban sa muling mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng coronavirus disease.
“Wala, hindi ko talaga iniisip. Ang gusto ko talaga ngayon kapag kayo ay na-impeksyon ay magamot namin kayo. Ang gusto ko ngayon, pag may na impeksyon gumaling kayo agad. Gusto naming meron kayong pasilidad, meron kayong doctor,” ayon kay Moreno nang inspeksyunin nito ang Araullo Quarantine Facility, bilang paghahanda sa buhos ng kaso ng COVID-19 sa mga susunod pang araw.
Anya, hindi na mahalaga ang pag-iikot ngayon sa ibang lugar para magpakilala siya bilang kandidato sa darating na halalan. Mas mahalaga, dagdag ng alkalde ay matugunan ang pangangailangan ng lungsod ngayon na patuloy na tumataas na naman ang kaso ng virus.
“Naka-focus tayo dito sa pandemic ngayon, itong surge. Kasi kailangan maagapan natin ito kaya hinahanda ko ang ating lungsod at ating mamamayan. That (Listening Tour) will come later,” dagdag pa ni Moreno.