Indian Covid variant kumakalat na sa PH?

NANGANGAMBA ang mga otoridad sa pagkalat sa Pilipinas ng Covid-19 variant na na-detect sa India makaraang lumabas sa test na tatlo sa close contacts ng overseas Filipino worker na nadale ng nasabing variant ay positibo sa nakahahawang sakit.


Sa press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isinasailalim sa genome sequencing ang samples mula sa tatlo para matukoy ang variant.


Pinaghahanap naman ng Department of Health ang dalawa pang close contacts ng OFW na galing sa United Arab Emirates.


Samantala, negatibo naman sa sakit ang 28 iba pa niyang contacts.


“As to the case of the 58-year-old male from UAE, meron po tayong verified na 32 close contacts doon sa eroplano at tatlo po sa kanila ay positive,” ani Vergeire.


Samantala, tatlo sa anim na close contacts ng isa pang OFW na tinamaan ng nasabing Covid variant ay negatibo sa test.


“Nakita na ho namin ang manifesto ng flight details, at katulad ng nai-report namin for case of the 37-year-old male, tatlo po sa kanila ay nakita na po namin sa database, ay PCR-negative. Ang tatlo po hinahanap namin kasi hindi po nagma-match ang pangalan nila sa manifesto,” dagdag ni Vergeire.


Naunang kinumpirma ng DOH na dalawang OFWs–isa ay mula UAE at isa pa mula Oman–ay positibo sa variant galing ng India nang dumating sa bansa. Kapwa magaling na ang mga ito.